SIMBAHANG KATOLIKO O SIMBAHANG KATOLIKA?
Nagtataka na natatawa lang ako sa pagiging matigas ng tao sa paggamit ng bagay na mali. Yung boss ko, ang pilit na pinagagamit sa libro ay Simbahang Katoliko. Hindi ako makapayag. Bago ito sa pandinig ko. Lumaki ako na ang ginagamit ay Simbahang Katolika.
Pagkatapos natuklasan ko na sa telebisyon at radyo, ilang reporter at announcer din pala ang gumagamit ng Simbahang Katoliko. Naitanong ko sa sarili, sino ba ang nagpauso ng parirala na ito o sinong talipandas na guro ang nagturo nito? Ang alam ko, kapag taong ang relihiyon ay Katolisismo ang pinag-uusapan, ang tawag sa kanila ay Romano Katoliko o katoliko. Ngunit kung Simbahan ang pinag-uusapan, ang tama ay Simbahang Katolika.
Tinanong ko ang boss ko. "Katoliko ka ba?" Oo daw. "Ano ang ginagamit ng Simbahan sa misa at mga dasal na tagalog, Simbahang Katoliko o Simbahang Katolika? Simbahang Katoliko daw. "Mali!"
Ang hirap sa atin, naturingan tayong mga Katoliko, hindi natin sinusunod ang atas at paraan ng ating Simbahan. Nagdadasal tayo na hindi inuunawa ang mga salita, ang kahulugan ng ating dinadasal.
Ganito ang turo ng boss ko sa iba kaya dun sa mga librong tinapos nila, pulos Simbahang Katoliko ang nakalagay. Basta ako, Simbahang Katolika ang gagamitin ko. Sa muling paglilimbag ng libro at nahawakan ko ang mga gawa nila, magalit na ang magagalit. Iwawasato ko ang lahat ng mali.
Sumasampalataya
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, na Maylikha ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Jesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao; nang ikatlong araw nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat; at doon magmumulang paririto't maghuhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga Banal; sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na mag-uli ng nangamatay na tao, at sa buhay na walang hanggan. Amen.
Mula sa: http://www.bible.claret.org/Pandesal/2008/banner/dasal.htm#d
Tingnan din: http://tl.wikipedia.org/wiki/Katolisismo
